Mandatory face mask ‘di kailangan kahit may bagong COVID-19 variant – DOH
MANILA, Philippines — Hindi na kailangang muling ipatupad ang mandatory na pagsusuot ng face masks sa gitna ng bagong variant ng COVID-19 na malapit nang maging dominant na variant sa buong mundo, ayon sa Department of Health nitong Miyerkules.
Inilarawan ni DOH spokeperson Albert Domingo na ang natuklasang XEC ay umusbong na offshoot ng JN.1, na dominant variant o dahil sa madaling makahawa.
“Bagamat lumabas ang bagong variant na iyan, ang dapat nating tandaan, meron talagang laging lalabas na bago. Sa XEC, may bago siyang mutation, ‘yun siguro ang ikinababahala na mukhang magaling siyang kumapit ulit sa mga tao pero hindi pa nakikita kung meron siyang datos, kung malala o hindi,” paliwanag ni Domingo.
Posible rin aniyang nakapasok na sa bansa ang XEC bagamat wala pang naitala ang DOH simula Setyembre 1-14.
Natukoy na ang XEC ay “recombinant na variant”, ng KS.1.1 at KP.3.3 variant, na parehong nag-evolve mula sa JN.1.
Natuklasan ang variant noong Agosto sa Germany, at may kabuuang 600 kaso na ng XEC ang naitala sa 27 bansa sa buong Europa, North America at Asia.
Gayunman, hindi dapat ikatakot ang kaso ng XEC dahil sa Germany ay walang pagtaas ng kaso ng malubhang COVID-19.
Samantala, ang naitalang KP.2 at KP.3 infections ay bumaba na sa 80 kada araw, mula sa 400-500 kada araw.
Ang pagtaas aniya ng flu-like illnesses ay posibleng dala ng pagbabago ng panahon.
- Latest