MMDA traffic aide sinapak ng mekaniko
Clearing operation sa Pasay
MANILA, Philippines — Isang mekaniko ang inaresto ng mga awtoridad matapos manapak ng isa sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagsasagawa ng clearing operation kahapon ng hapon sa Pasay City.
Kinilala ang suspek na si alyas “Jong”, 49, residente ng Barangay 26, Pasay City.
Sa ulat ng Pasay City Police Station, dakong alas-4:00 ng hapon ng Setyembre 18, nang maganap ang insidente sa F. B. Harrison St., Pasay.
habang nagsasagawa ng clearing operation ang complainant at iba pang mga kasama sa kanto ng Advincula Street at FB Harrison Street, ay kinukunan ng video ng biktimang si alyas “Emerson”, 62-anyos, Traffic Aide III, hanggang sa itutok na sa mukha mismo ang cellphone ng suspek.
Tinabig umano ng biktima ang kamay ng suspek at doon ay nagsimula nang sapakin ang biktima ng suspek sa ulo at labi na pumutok.
Rumesponde ang mga tauhan ng Pasay Sub-station 2 at inaresto ang suspek.
Nang i-search ang suspek, sa harap ng kaniyang misis, nakuha ang isang plastic sachet ng shabu.
Nakapiit na ang suspek sa Pasay City custodial facility habang inihahanda ang mga dokumento para sa inquest proceedings.
Pormal na sinampahan ng reklamong paglabag sa Article 149 ng Revised Penal Code (Indirect Assault) at Section 11 ng Republic Act 9165 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) matapos masamsam ang nasa 0.20 gramo ng shabu na katumbas ng halagang P1,360.00.
- Latest