Testigo, napilitang pumirma sa ‘pork’ voucher ni Jinggoy
MANILA, Philippines — Dahil sa pangambang mawalan o maapektuhan ang kanyang trabaho ay inamin ng isang testigo sa graft case ni Senador Jinggoy Estrada na napilitan siyang lumagda sa mga disbursement voucher para sa pagpapalabas ng pork barrel funds ng mambabatas.
Sa pagharap ni Sofia Cruz sa Sandiganbayan Fifth Division, sinabi niyang nilagdaan niya ang mga disbursement voucher para sa pagpapalabas ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Estrada noong siya ang nagsisilbing chief financial specialist ng National Livelihood Development Corp. (NLDC).
Ang NLDC ay isang state-owned company na ginamit bilang conduit o daluyan upang maipasa ang pork barrel funds ng mga mambabatas sa mga foundation na pag-aari ni Janet Lim-Napoles na itinuturong utak sa naturang kontrobersiya.
Binigyang-diin ng prosekusyon na lumagda si Cruz sa mga disbursement voucher sa kabila ng pagkakatalaga sa isa pang tauhan na kinilalang si Lolita na siyang dapat na gumaganap sa mga naturang tungkulin.
Ayon kay Cruz, nilagdaan niya ang mga vouchers base na rin sa utos ng kanyang superior na si Evelyn Sucgang.
Sa kabila nito, sinabi ng prosekusyon na patuloy pa ring naaprubahan ang mga disbursement voucher kahit walang lagda ni Cruz.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig, nagkasundo ang prosekusyon at depensa na kumpirmahing hindi kailanman nakipagkita o nakipag-usap si Cruz kay Estrada o sa dati nitong chief of staff na si Pauline Labayen hinggil sa mga proyektong pinondohan ng PDAF na sangkot sa kaso.
- Latest

















