Rep. Benitez, ikinalugod pagpili sa Pinas bilang ASEAN ACE-CI
MANILA, Philippines — Lubos na ikinalugod ni Negros Occidental Third District Representative Javier Miguel “Javi” L. Benitez ang pagkakapili sa Pilipinas bilang ASEAN Center of Excellence for Creative Industries (ACE-CI).
Pinagtibay ng ASEAN leaders ang deklarasyon na nagtatakda sa Pilipinas bilang punong-abala ng center sa isinagawang 49th ASEAN Summit kamakailan.
Naganap ito isang araw matapos magwagi ang Pinay na mang-aawit na si Carmelle Collado sa kauna-unahang Eurovision Song Contest Asia sa Bangkok, Thailand, sa pamamagitan ng orihinal na awiting Filipino na pinamagatang “Sobra-Sobra.”
Bilang punong-abala, magkakaroon ng mahalagang papel ang Pilipinas sa regional cooperation on research, policy support, capacity-building, at ecosystem development for the cultural and creative industries.
Tinutukoy rin sa deklarasyon ang mga pangunahing sektor na makikinabang sa Center, kabilang ang mga freelancer, maliliit na negosyo, mga startup, kababaihan, kabataan, gayundin ang mga tradisyunal at lokal na komunidad.
Base sa ulat ng Philippine Statistics Authority, sinabi ni Benitez na umabot sa P2.12 trilyon ang ambag ng creative economy sa ekonomiya ng bansa noong nakaraang taon at nakapagbigay ito ng trabaho sa 8.7 milyong Filipino.
Gayunman, binanggit ni Benitez na bagama’t halos 18 porsiyento ng kabuuang trabaho sa bansa ay nagmumula sa sektor na ito, wala pang 8 porsiyento ang ambag nito sa kabuuang output ng ekonomiya.
Anya, batay sa datos ng World Bank, sa kabuuang ekonomiya ng bansa, gumagastos ang Pilipinas ng humigit-kumulang 16 na dolyar para sa paggamit ng intellectual property mula sa ibang bansa sa bawat isang dolyar na binabayaran ng mundo para sa paggamit ng intellectual property na nagmula sa Pilipinas.
- Latest















