Grade 10 nang-asar, todas sa 15-anyos

MANILA, Philippines — Dahilan lamang umano sa pang-aasar, patay ang isang 15-anyos na estudyanteng Grade 10 makaraang pagsasaksakin ng icepick ng isa ring kapwa nitong 15-anyos na isa namang out of school youth matapos ang mainitang pagtatalo sa Brgy. 2, Calamba City, Laguna kamakailan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si John Paul Morada, dead-on-arrival matapos na isugod sa pagamutan dahilan sa mga tinamong saksak ng icepick sa kaniyang dibdib at likurang bahagi ng katawan.
Sa report ni Calamba City Police Chief P/Lt. Andrew Cyruz Parafina, nangyari ang insidente sa harapan ng isang tindahan sa lugar bandang alas-10:30 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, napikon umano ang suspect sa panunukso o pang-aasar ng biktima na hindi na ito promdi (probinsyano) matapos na magsimba sa Maynila na umano’y isang batang lungsod na.
Dahil dito, ay napikon ang suspect akmang susugurin ang biktima na naawat naman ng dalawang menor-de-edad, pero inudyukan umano ng kaniyang ama ang anak na gumanti sa biktima.
Sinabi ni Parafina na matapos na maawat ay aalis na sana umano ang suspect, pero ang insidente ay nasaksihan pala ng ama nito na pinagsabihan pa ang mga menor-de-edad na pinagtulungan ang kaniyang anak kaya nagkalakas ng loob ang suspect na pagsasaksakin ang biktima gamit ang icepick.
Labis naman ang pagdadalamhati ni Ronaldo Morada, isang trabahador sa construction sa pagkamatay ng anak at nanawagan ng hustisya sa insidente.
Samantalang tumakas naman ang suspect kasama ang kaniyang ama matapos ang krimen. Kinabukasan ay isinuko naman ng ama ang kaniyang anak para panagutin sa insidente.
- Latest

















