Wellness clinic, itinanggi paratang ng ex-employee
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ng VMP Regenerative Clinic ang mga alegasyon ng isang dating empleyado hinggil sa umano’y maling paghawak ng medical products at paggamit ng sterile water sa kanilang mga treatment.
Sa pahayag, sinabi ng klinika na walang katotohanan ang paratang na hinahati o ibinabahagi ang mga treatment sa iba’t ibang pasyente. Tiniyak din nitong sumusunod ito sa mga pamantayang medikal at regulasyon sa paghahanda, pag-iimbak at paggamit ng mga produktong medikal.
Iginiit ng VMP na bawat treatment ay inihahanda para sa partikular na pasyente alinsunod sa German medical standards at mahigpit na clinical protocols. Gumagamit din umano ito ng medical-grade cold-chain systems upang mapanatili ang kalidad at sterility ng mga produkto.
Nanawagan naman ang presidente ng kompanya na si socialite at businesswoman Crystal Jacinto sa media na maging patas sa pagtalakay sa isyu dahil hindi lamang ang kanyang pamilya kundi maging ang mga pasyenteng nagtitiwala sa klinika ang naaapektuhan. Nangako rin siyang ipaglalaban ang katotohanan at pangalan ng VMP.
Kabilang sa mga serbisyong iniaalok ng klinika ang stem cell therapy, regenerative procedures, hyperbaric oxygen therapy at Advanced Specific Immunotherapy (ASI). Sinabi ng VMP na ang mga alegasyon ay maaaring magdulot ng pangamba sa mga pasyente na umaasa sa kanilang mga serbisyo.
- Latest




















