Mag-ina patay, mister at anak sugatan sa sunog
MANILA, Philippines — Isang mag-ina ang nasawi habang ang kanyang mister at binatilyong anak ay malubhang nasugatan sa naganap na sunog nitong Lunes ng madaling araw sa Brgy.7, Caloocan City.
Ang nasawing ina ay 50-anyos at anak nito na babae ay 8-anyos habang nasugatan ang mister, 49-anyos at 13-anyos nilang anak sa bahagi ng kanilang katawan nang makalabas sa nasusunog nilang bahay.
Natagpuan ang sunog ng bangkay ng isa sa nasawi sa dulong bahagi sa 2nd floor ng dalawang palapag na bahay habang sa unang palapag nakita ang isa pa nang bumagsak na ang sahig ng nasunog na bahay.
Sa ulat ng Caloocan Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimulang sumiklab ang apoy sa hindi pa batid na dahilan, alas-3:15 ng madaling araw sa bahay ng kaanak ng mga nasawi sa 104 Velasco St. na kaagad nirespondehan ng may 25 firetrucks, kabilang na ang mga fire volunteers.
Itinaas sa unang alarma ang sunog na nakontrol dakong alas-4:46 bago idineklarang fire out alas-5:25 ng umaga.
Limang kabahayan ang natupok ng apoy na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng 23-pamilya.
Inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog at halaga ng natupok na ari-arian habang pansamantala namang nanunuluyan sa covered court ng Barangay 7.
- Latest















