Enjoy lang, may second chance pa sa purgatoryo
Isang linggo na mula nang mag-Undas. Ituloy natin ang pagninilay.
Sa tingin mo, makakapasok ka ba sa langit? Natakot ka, ano?! Huwag kang matakot. Laging nagbibigay si Lord ng second chance.
Bakit tayo nagsisindi ng kandila? Bakit tayo nagpapamisa? Kasi may second chance pa - may purgatoryo! Hindi lahat diretso langit tulad ng mga santo noong Nov. 1, hindi rin lahat diretso impiyerno. May iba, nasa car wash pa ni Lord. Nililinis.
Sabi ng Bibliya: “Walang marumi ang makapapasok sa langit.” (Pahayag 21:27) at “Siya mismo ang maglilinis sa atin sa lahat ng kasamaan.” (1 Juan 1:9) Kailangan malinis muna.
Si Maria Magdalena, babaeng mababa ang lipad. Si San Agustin, playboy. Pero naligtas! Nakapasok sa Kaharian ng Langit! Ikaw pa! May pag-asa tayong lahat! Kaya natin yan!
Paalala mula sa Medicine at Theology: ‘Pag may bulate, kailangan purgahin para lumabas. ‘Pag may kasalanan, kailangan purgatoryo para luminis ang kaluluwa. Hindi ito parusa ng galit na Diyos, kundi panghilom ng maawaing Poong Maykapal.
Kaya sa purgatoryo may twist: Hindi lang ikaw ang maglalabas, si Lord ang magbubuhos. Sa psychology, binubuksan mo ang gripo ng luha mo. Sa purgatoryo, binubuksan ni Lord ang gripo ng awa Niya para banlawan ang mga natitirang inggit, chismis, at kasalanang hindi pa pinagsisihan. “Maliligtas tulad ng iniligtas sa apoy.” (1 Cor 3:15) Apoy ng pag-ibig, hindi ng galit.
Kaya anong gagawin this week? Magkumpisal, sumimba at magpa-misa. Ipagdasal ang kaluluwa ng mga yumao. Mag-novena. Mag-Rosaryo: Isama si lolo, si lola, pati yung nakalimutan.
Magpatawad: Sa kapamilyang kaaway. Paano ka hihingi ng awa kung ikaw mismo hindi marunong magpatawad? Iyan ang tunay na dasal para sa kaluluwa. Patawarin mo na yong taong namatay na nagkasala sa ‘yo!
Paalaala: Ang multo, hindi dapat katakutan. Ang dapat katakutan, yung kaluluwang hindi pinagdasal.
Magdasal tayo: Panginoon, kaawaan N’yo po ang lahat ng kaluluwa sa purgatoryo, lalo na ang mga walang nakakaalala. Linisin N’yo po kami ngayon pa lang, para balang araw, magkita-kita po tayo sa Inyong Kaharian sa langit. Amen.
- Latest















