Philippine senators, isinusulong ang ‘zero tariff’ sa PH products sa Japan

MANILA, Philippines — Isinusulong nina Senate Foreign Relations Committee Chairman Senador Erwin Tulfo at Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform Chairman Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa pamahalaan ng Japan ang pagtanggal ng taripa sa mga produktong heated tobacco (HTPs), prutas, at iba pang produktong agrikultural na gawa sa Pilipinas upang higit pang mapatatag ang ugnayang pang-ekonomiya ng dalawang bansa.
Inilahad ni Tulfo ang panukalang ito sa kanyang pagbisita kasama ang iba pang senador ng Pilipinas sa Senado ng Japan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng Pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.
“Sa paglitaw ng mga bagong produkto mula sa industriya ng tabako sa Pilipinas at sa patuloy na pagtaas ng demand para sa mga ito sa Japan, magalang nating hinihiling sa pamahalaan ng Japan na pag-aralan ang aming panukalang alisin ang mga taripa sa mga produktong heated tobacco na gawa sa Pilipinas,” pahayag ni Tulfo. Layunin ng panawagang zero tariff na higit pang palakasin ang Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA), na nilagdaan noong 2008 upang alisin o bawasan ang mga taripa sa mahigit 90 porsiyento ng mga produktong ipinagpapalitan ng dalawang bansa sa Asya.
Bukod kay Tulfo at Pangilinan, kabilang din sa delegasyon sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Leader Migz Zubiri, Senators Lito Lapid, Raffy Tulfo, at JV Ejercito.
Sa unang araw ng opisyal na pagbisita, nagsagawa ang delegasyon ng mahahalagang pagpupulong, kabilang ang mga courtesy call kay Prime Minister Takaichi Sanae, dating Japanese Prime Minister Kishida Fumio, Japanese Senate President Sekiguchi Masakazu, at iba pang senador ng Japan, gayundin kay House of Representatives Speaker Mori Eisuke.
- Latest
















