Tuluy-tuloy na serbisyo, tiniyak ni Rose Lin
MANILA, Philippines — Patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang residente ng Quezon City si Rose Lin, na mas kilala ng kanyang mga ka-distrito bilang “Ate Rose,” sa pamamagitan ng relief operations, medical missions at iba pang programang pangkomunidad.
Namahagi kamakailan ng tulong si Lin sa mga pamilyang nasunugan sa Brgy. San Agustin na bahagi ng kanyang boluntaryong pagkilos para sa mga residenteng nangangailangan ng agarang ayuda tuwing may kalamidad o sakuna.
Ayon kay Lin, regular ang kanilang mga gawaing pangkomunidad at hindi lamang tuwing may emergency. Kabilang dito ang medical missions, tulong pangkabuhayan, feeding programs at pagbibigay ng suporta sa mga estudyanteng nais makapagpatuloy sa pag-aaral.
Isa sa mga nakatanggap ng tulong si Merlinda Aragon, 70, na lumapit kay Lin para sa pangangailangan ng kanyang panganay na anak. Ani Aragon, a bagama’t hindi niya gaanong kilala noon si Lin, agad siyang tinulungan nito nang humingi siya ng saklolo. Nagpasalamat din si Jilson Villas, residente ng Brgy.North Fairview, sa tulong medikal at pambili ng gamot na natanggap niya matapos magkasakit sa puso at mapilitang tumigil sa trabaho. Nakatulong din umano ang suporta ni Lin sa gastusin at baon ng kanyang mga anak.
Sinabi ni Lin na ilan na rin ang kanilang naisagawang service caravan sa Distrito 5 ng Novaliches bilang bahagi ng kanyang adbokasiyang “magtanim ng pag-asa at umani ng pagbabago.”
“Iyong magkaroon ka ng pambihirang pagkakataon na makatulong sa mga ka-distrito mo, malaking bagay na iyon, nakakagaan ng kalooban,” pahayag naman ni Ate Rose.
- Latest





















