Martin handang humarap sa mga bigating kalaban

MANILA, Philippines — Matapos ang impresibong panalo laban kay David Picasso ay naghahanap ang undefeated boxer na si Carl James Martin ng makakasapakan sa ring.
Ninanais ng 27-anyos na Pilipino na patuloy na makasagupa ang mga de-kalibreng boksingero sa featherweight division, o kaya naman, kung magkakaroon ng pagkakataon, ay lumaban para sa WBO super-bantamweight crown kung saan siya ang kasalukuyang ranked No. 1.
Inilatag ni Martin ang kanyang mga planong hakbang para sa kanyang karera sa naganap na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes sa Philippine Sports Commission media room.
Kasama ni Martin na dumalo sa forum ay ang kanyang ama at trainer na si Abel Martin.
“Para sa akin gusto ko yung mas mataas pa kay Picasso. ‘Yung nasa top 3 o top 4 ranking and gusto natin yung mas mabigat pa na pangalan, at world championship para sa susunod,” sabi ni Martin sa nsabing forum na inihahandog ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, MILO, at ng 24/7 sports app ng bansa na ArenaPlus.
Sorpresang nanalo via split decision si Martin kay Picasso sa Riyadh, Saudi Arabia sa undercard ng laban nina Canelo Alvarez-Christian Mbilli WBC super-middleweight title fight.
“Pero mas priority namin yung championship sa super-bantamweight division,” pahayag ni Martin. “But kung may offer naman na championship sa featherweight, doon muna ako mag-stay.”
- Latest



















