Pagpatay sa ‘environmental defenders’, paiimbestigahan sa Senado
MANILA, Philippines — Pinasisiyasat ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada sa Senado ang patuloy na pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kapaligiran sa bansa kasunod ng ulat ng Global Witness na nagbansag sa Pilipinas na pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga naninindigan at nagtatanggol ng kanilang mga lupain, likas na yaman, at mga komunidad sa loob ng 13 magkakasunod na taon.
Inihain ni Estrada ang Senate Resolution No. 697 na humihimok sa kinauukulang komite sa Senado para suriin ang Global Witness 2026 report upang matukoy ang dapat isulong na batas upang mapanagot ang mga may sala sa mga pag-atake ng ito.
Ayon na nasabing ulat, hindi bababa sa 124 na tagapagtanggol ng lupa at kapaligiran ang napatay sa buong mundo noong 2025.
Naitala sa Pilipinas ang 12 na kaso, ang pinakamataas na bilang sa labas ng Latin America at kapantay ng bansang Honduras sa ikatlong pwesto sa buong mundo, kasunod ng Colombia na may 39 at Brazil na may 26 na kaso.
Sa 12 na natalang biktima sa Pilipinas, anim ang mula sa mga katutubong grupo, tatlo ay mga magsasaka, at isa ay mamamahayag.
Binigyang-diin ng nasabing ulat ang limang pagpatay na may pinaghihinalaang pagkakasangkot ng militar ng Pilipinas.
Kabilang sa binanggit si Veronico Anterio, isang 65-taong-gulang na magsasaka na diumano ay binaril at napatay ng mga sundalo matapos niyang magsalita laban sa mga paghihigpit sa oras ng pagtatrabaho at kalayaang makagalaw ng mga residente.
Nagpahayag din ang Global Witness ng pag-aalala sa paggamit ng kriminalisasyon at “red-tagging,” ang pagtatatak sa mga indibidwal o grupo bilang mga komunistang rebelde o terorista, na nagdudulot ng banta, panliligalig, at iba pang anyo ng paghihiganti sa mga tagapagtanggol ng kalikasan.
Mula 2012 hanggang 2024, nakapagtala ang organisasyon ng kabuuang 306 pagpatay at pagkawala sa Pilipinas.
- Latest



















