PDP-Laban sa SC: Bilisan desisyon sa ICC jurisdiction

MANILA, Philippines — Hinimok ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang Korte Suprema na pabilisin ang pagresolba sa mga petisyong kumukuwestyon sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Sa liham na may petsang Oktubre 31, sinabi ni PDP-Laban acting chairman Alfonso Cusi na halos 600 araw nang nakabinbin ang mga petisyon.
Ayon sa kanya, walang lokal na hukuman ang naglabas ng arrest warrant laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng war on drugs, at ICC lamang ang naglabas ng mga warrant laban sa kanila.
Kasalukuyang nakadetine si Duterte sa The Hague habang hinihintay ang paglilitis, habang hindi pa naaaresto si Dela Rosa.
Iginiit ni Cusi na handang igalang ng PDP-Laban ang anumang magiging pasya ng Korte Suprema, ngunit kailangan na umanong maresolba agad ang kaso dahil naaapektuhan kapwa ang mga pamilyang naghahanap ng pananagutan at ang mga petitioner na naghihintay ng desisyon sa kanilang mga karapatan.
Ang pangunahing petisyon ay inihain nina Duterte at Dela Rosa noong Marso 2025 upang kuwestyunin ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa ICC at pigilan ang pagpapatupad ng mga arrest warrant nito. Noong Mayo 2026, ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order ngunit nilinaw na hindi pa nito nareresolba ang pangunahing mga usaping legal sa kaso.
- Latest



















