Bulkang Taal, tumindi mga pagyanig -- Phivolcs
MANILA, Philippines — Dumami ang bilang ng pagyanig sa Bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas sa nakalipas na 24 oras.
Ayon sa Philippine Institute pf Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado ng umaga (Oktubre 31), tumindi ang aktibidad ng pagyanig na naitala sa bulkan na 23 volcanic earthquakes, mas mataas sa 10 volcanic earthquakes sa nakaraang araw.
Samantala, umabot naman sa 217 metriko tonelada ang asupre na nailuwa ng bulkan, mas mababa ito kumpara sa pang-araw-araw na karaniwan na 424 metriko tonelada na nailuluwang asupre ng bulkan mula Oktubre 28 hanggang Oktubre 30. Nagluwa rin ng gas plume ang bulkan na nasa 500 metro ang taas na napadpad sa timog-kanluran.
Ang Bulkang Taal ay nasa Alert Level 1 o may low level unrest.
Dulot nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa Taal Volcano Island (TVI), lalo na sa Main Crater at Daang Kastila fissures ng bulkan dahil sa posibleng biglaang steam-driven o phreatic/phreatomagmatic eruptions, minor ashfall, volcanic earthquakes, at pagbuga ng volcanic gas.
- Latest















