P3.5 milyon ng ilegal na mantika nasamsam
BATANGAS, Philippines — Tinatayang aabot sa P3.5 milyong halaga ng mga hindi rehistrado at walang kaukulang label na cooking oil ang nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isinagawang operasyon sa isang warehouse sa Barangay Lodlod, Lipa City, Batangas, kamakalawa.
Isinagawa ang operasyon nitong Oktubre 27 dakong alas-2 ng hapon ng CIDG at pakikipag-ugnayan sa Food and Drug Administration (FDA) at Lipa City Health Office.
Arestado sa operasyon ang isang babaeng empleyado ng nasabing warehouse.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9711, o ang Food and Drug Administration Act of 2009, na nagtatakda ng mga regulasyon upang matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong saklaw ng FDA.
Samantala, nagbabala ang CIDG sa publiko laban sa pagbili at paggamit ng mga produktong walang wastong rehistrasyon at label, dahil maaaring magdulot ang mga ito ng panganib sa kalusugan ng mga mamimili.
Binigyang-diin ng mga awtoridad ang kahalagahan ng pagsusuri sa mga label at kaukulang pahintulot ng FDA upang maiwasan ang pagbili ng mga produktong hindi tiyak ang kalidad at kaligtasan.
- Latest
















