Young actor na sinaksak ng kalaro, nakalabas na sa ICU

Isinugod sa ospital ang 13-year-old teen actor na si Angelo Teves matapos saksakin ng kapwa menor de edad noong nakaraang Oct. 12 sa Brgy. Payatas, Quezon City, dahil umano sa alitan sa online gaming account.
Ayon sa pulisya, hindi raw nagbayad si Angelo ng P1,000 sa ibinentang game account ng 15-anyos na itinago sa pangalang “Mike.” Pero itinanggi ito ng tiyahin ni Angelo na si Emelinda Patata at sinabing pinagbintangan lang ang pamangkin.
Nagtamo si Angelo ng limang saksak, pinakamalubha sa tagiliran, at kinailangang operahan. Pagkatapos ng siyam na araw sa ICU o Intensive Care Unit, nailipat na siya sa recovery room pero hirap pa ring kumilos at magsalita.
Kilala si Angelo bilang batang Adamus sa Encantadia Chronicles: Sang’gre ng Kapuso Network.
Isinuko naman ng inang si Julie ang anak na si Mike. Inamin niyang mali ang ginawa nito at humingi ng tawad, pero sinabi ring may dati nang alitan ang dalawa at minsan nang inabangan ni Angelo si Mike para paluin ng bote.
Labis naman ang pag-aalala ng ama-amahan ni Angelo na nasa Bicol at hindi pa makaluwas para alagaan ito.
Eric, pumayat sa peptides
Naging bukas si Eric Fructuoso sa kanyang weight loss journey sa online show na Your Honor para hikayatin ang healthy lifestyle.
Sa episode na In Aid of Hot Daddy: Kuwarentahing Guwaping, ikinuwento niya kina Chariz Solomon at Buboy Villar na umabot sa 220 lbs. ang timbang niya.
Hindi raw siya na-insecure sa looks, pero nalungkot siya sa sarili.
“Isipin mo para kang Winnie the Pooh kahit ano suot mo,” sabi niya.
Dahil sa walang exercise at stress eating, pati damit wala nang kasya at XXXL na ang binibili.
Nagsimula siyang mag-focus sa pagpayat noong June 2025 nang malaman ang tungkol sa peptides.
Ayon sa Medical News Today, nakakatulong ang peptides sa pag-regulate ng blood sugar, metabolism at appetite, pero kailangan ng reseta.
Sigurado raw si Eric na kumonsulta muna sa doktor bago ito gamitin. Matapos gumamit ng peptides, bumaba ang timbang niya at bumuti ang resulta ng lab tests.
“Hindi lang siya pampapayat, ginagawa ka niyang healthy pala. Ang goal is ayusin mo kung ano ‘yung lab test mo,” sey ng 50-year-old former heartthrob.
Sexiest man alive, nakilala sa medical dramas
Tinanghal na Sexiest Man Alive for 2026 ng People magazine ang aktor na si Noah Wyle, na kilala sa medical dramas na ER at The Pitt.
Sa panayam sa People, ibinahagi ng 55-year-old actor ang una niyang reaksyon sa balita: “I thought that sounded like a prank — just not in a million years did I think that this would be an honour bestowed on me.”
Dumating ang parangal sa gitna ng muling pag-angat ng kanyang career. Hindi makakalimutan si Wyle bilang si Dr. John Carter, ang medical student na una niyang ginampanan sa ER ng NBC noong 1994.
Nakatrabaho niya roon si George Clooney, na dalawang beses ding nahirang bilang Sexiest Man Alive noong 1997 at 2006.
Bumalik si Wyle sa medical drama genre sa pamamagitan ng The Pitt, kung saan gumanap siya bilang si Dr. Michael “Robby” Robinavitch, isang senior attending physician sa abalang emergency department sa Pittsburgh.
- Latest





















