Creamline, Capital1 magkakasubukan sa Isabela

MANILA, Philippines — Ang pagsolo sa liderato ang hangad ng Creamline sa pagsagupa sa nagpalakas na Capital1 Solar Energy sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series sa Santiago Sports Arena sa City of Santiago, Isabela.
Haharapin ng Cool Smashers ang Solar Spikers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang banggaan ng PLDT High Speed Hitters at ZUS Coffee Thunderbelles sa alas-3:30 ng hapon.
Magkasosyo sa liderato ang Creamline at Nxled bitbit ang parehong 3-0 baraha sa itaas ng Choco Mucho (3-1), Farm Fresh (2-2), Akari (2-2), Capital1 (2-2), PLDT (1-2), ZUS Coffee (0-3) at Galeries Tower (0-4).
Magkakasunod na iniligpit ng Creamline ang Chargers, Highrisers at Thunderbelles.
“Dapat matuto kaming mag-respond with in-game adjustments, and our coaches have been doing very well with that na kahit sinong ipasok sa amin sa loob, rock solid ‘yung system namin and anyone can perform at any time,” wika ni veteran setter Jia De Guzman.
Hangad naman ng Solar Spikers na makabangon mula sa 25-21, 21-25, 21-25, 21-25 kabiguan sa High Speed Hitters sa huli nilang laro.
Muling makakatuwang ni De Guzman sa koponan ng Creamline sina Jema Galanza, Alyssa Valdez, Tots Carlos, Bernadeth Pons, Michele Gumabao, Bea De Leon at Pangs Panaga.
Sina Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos ang babandera sa Capital1 kasama sina setter Juju Coronel at rookie libero Detdet Pepito.
- Latest


















