Winning streak itutuloy ng San Beda at Letran
MANILA, Philippines — Layunin ng defending champion San Beda University at Letran na pahabain ang kanilang mga winning streak sa pagharap sa magkahiwalay na laban sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa Playtime FilOil sa San Juan Arena City.
Makakatapat ng San Beda ang Mapua University ngayong alas-3 ng hapon, habang haharapin ng Letran ang Arellano University sa alas-5 ng hapon.
Tangan ang 7-3 karta, kasosyo ng Red Lions sa No. 2 spot sa Group A ang St. Benilde Blazers, habang solo sa tuktok ang Jose Rizal Heavy Bombers na may 8-3 baraha.
Galing sa dalawang sunod na panalo ang San Beda, ang huli ay laban sa Jose Rizal, 75-71, tampok ang pagbibida ni Aldous Torculas.
Natalo naman ang Mapua, may 6-4 record, sa St. Benilde, 69-71.
Bago ang kabiguan sa Blazers ay nagtarak muna ang Cardinals ng anim na sunod na panalo.
Ipaparada ng Mapua ang kanilang mga pambatog sina Cyrus Cuenco, Yam Concepcion at Jamal Diaz.
Samantala, nasa itaas ng Group B ang humaharurot na Knights pasan ang 7-3 card matapos sikwatin ang three-game winning streak.
- Latest


















