Environmental factors atbp. Sinisilip sa banggaan ng 2 PAF trainer planes
MANILA, Philippines — Masusing iniimbestigahan ng Philippine Air Force (PAF) ang environmental factors, kondisyon ng aircraft, estado ng fuel at iba pang posibleng dahilan ng banggaan sa himpapawid ng dalawang SF-260 Marchetti trainer planes na ikinasawi ng apat na piloto sa San Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 23.
Sa press briefing sa Camp Aguinaldo, isinapubliko ni PAF Spokesperson Col. Alvin Jay Capinguian ang pagkakakilanlan ng mga nasawi na sina Major David Joshua Rojo, 1st Lt. Ma. Melvin Acebuque, 1st Lt. Raymart Cabangcala at 1st Lt. Angelo Adrian Peñaflor. Ayon kay Capinguian, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng binuong fact-finding team at lahat ng posibleng anggulo ay sinusuri upang matukoy ang sanhi ng trahedya.
“We are looking on environmental, material, the state of the fuel, the oil. Lahat tinitingnan namin. We cannot look at any one angle kasi baka may nakakaligtaan tayo,” ani Capinguian.
Dahil dito, iniutos ni PAF Chief Lt. Gen. Arthur Cordura ang pansamantalang pag-ground sa lahat ng SF-260 Marchetti trainer planes habang isinasagawa ang imbestigasyon. Ayon pa sa PAF, ang mga naturang trainer aircraft ay nabili noong 2010 hanggang 2011 at hindi pa maituturing na luma. Narekober na rin ang mga wreckage at labi ng mga piloto para sa forensic examination.
Ipinaliwanag ni Capinguian na walang ejection capability ang SF-260, at hindi rin nagkaroon ng pagkakataon ang mga piloto na makalabas at makapagparachute dahil sa tindi ng banggaan na naging sanhi rin ng sunog sa himpapawid.
Sa kabila ng insidente, sinabi ng PAF na hindi ihihinto ang formation flying exercises dahil mahalagang bahagi ito ng pagsasanay at pagpapalakas ng kakayahan ng kanilang mga piloto.
- Latest

















