PNP: Bato walang paramdam

May 3 araw para sumuko
MANILA, Philippines — Wala pang natatanggap ang Philippine National Police (PNP) na “surrender feelers” o pahiwatig ng boluntaryong pagsuko ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay PNP spokesperson PCol. Allen Rae Co, ang isang linggong palugit na ibinigay sa senador ay tanda ng kabutihang-loob upang mabigyan siya ng pagkakataong sumuko nang maayos at may dignidad.
Tatlong araw na lamang bago ang itinakdang deadline ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagsuko ni Dela Rosa. Dahil dito, nag-deploy ang PNP ng karagdagang mga tracker team upang matukoy ang kinaroroonan ng senador.
Gayunman, iginiit ng PNP na mas nais ng mga awtoridad na boluntaryong sumuko si Dela Rosa upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari sa oras na siya ay matagpuan.
Wanted si Dela Rosa ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa kampanya kontra droga ng dating pangulong Rodrigo Duterte. Inakusahan ang senador bilang kasabwat sa mga umano’y krimeng iniimbestigahan ng korte.
Nauna nang sinabi ng DILG na nagtatago umano si Dela Rosa sa Mindanao at pinoprotektahan ng isang armado at makapangyarihang grupo. Nag-alok din ang mga awtoridad ng P50 milyong pabuya para sa impormasyong magdudulot sa pagkakaaresto sa senador.
Samantala, patuloy na tinutugunan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga impormasyong natatanggap hinggil sa posibleng kinaroroonan ni Dela Rosa.
Ayon kay NBI chief Melvin Matibag, hindi titigil ang ahensiya sa pagsubaybay sa lahat ng posibleng lead upang matukoy ang kinaroroonan ng senador.
- Latest



















