^

Punto Mo

Kailangan ba ng ­abogado sa pagharap sa DOLE at NLRC?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Nagsampa po kami ng labor case laban sa aming dating employer dahil sa illegal dismissal namin. Nakatanggap na po kami ng notice na sa susunod na linggo na raw ang hearing pero wala pa po kaming abogado. Maaari ba kaming umattend ng hearing kahit wala kaming kasamang abogado? – Lenlen

Dear Lenlen,

Puwede kayong dumalo sa hearing kahit wala kayong kasamang abogado. Nakasaad sa Article 228 ng Labor Code na maaaring humarap ang isang hindi abogado sa Commission o sa Labor Arbiter kung siya mismo ang kakatawan sa kanyang sarili, o kung kinakatawan niya ang kanyang organisasyon o ang mga miyembro nito.

Mas detalyado naman ang listahan sa Section 6, Rule III ng 2011 NLRC Rules of Procedure. Maaaring humarap ang hindi abogado kung (1) siya mismo ang partido sa kaso; (2) kinakatawan niya ang isang lehitimong unyon na partido sa kaso; (3) kinakatawan niya ang mga miyembro ng isang lehitimong unyon na umiiral sa loob ng kompanya; (4) siya ay akreditadong miyembro ng isang legal aid office na kinikilala ng Department of Justice o ng Integrated Bar of the Philippines; at (5) siya ang may-ari o presidente ng korporasyon o establisimentong partido sa kaso. Sa huling apat na nabanggit ay may mga sertipikasyong kailangang ipakita, ngunit hindi na ito kailangan sa inyong sitwasyon dahil base sa paglalahad ninyo ay kayo mismo ang nagrereklamo.

Mahalaga ring malaman ninyo kung ano ang inyong haharapin. Sa unang setting sa NLRC ay karaniwang mandatory conciliation at mediation conference ito, kung saan tatanungin kayo ng Labor Arbiter kung may paraan bang maayos ang usapin nang hindi na magtuluy-tuloy ang kaso. Hindi ito katulad ng isang karaniwang pagdinig kung saan may testigo at cross-examination. Hindi rin mahigpit ang mga tuntunin ukol sa ebidensya sa NLRC, dahil nakasaad sa Article 227 ng Labor Code na hindi kontrolado ng mga panuntunan ng ebidensya na ginagamit sa mga regular na korte ang proseso para sa mga labor cases.

Sa DOLE naman, kung dumaan muna kayo sa Single Entry Approach o SEnA bago kayo nagsampa sa NLRC, mas lalong hindi kinakailangan ang abogado doon. Ang SEnA ay isang libre at impormal na proseso na idinisenyo para mapag-usapan ng magkabilang panig ang kanilang sigalot sa loob ng tatlumpung araw.

Ngunit kailangan kong bigyang diin na kailangan niyo pa ring maghanap ng abogado ngayon pa lamang. Kung hindi kayo magkakasundo ng inyong dating employer, ang susunod na hakbang ay ang paghahain ng position paper, at dito karaniwang nakadepende ang pagkapanalo o pagkatalo ng isang labor case. Sa ilalim ng NLRC Rules, maaaring magpasya ang Labor Arbiter batay lamang sa position papers na isinumite ng mga partido at nang wala nang karagdagang pagdinig, kaya hindi puwedeng hindi kayo kukuha ng abogadong magsusulat ng position paper ninyo.

DOLE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with