Senado tatapyasan ng P2 bilyong sa 2027 budget

MANILA, Philippines — Isinasaalang-alang ng Senado ang pagbabawas ng humigit-kumulang P2 bilyon sa panukalang badyet nito para sa 2027 na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP), bilang pagpapakita ng fiscal discipline at halimbawa para sa Kamara, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.
Ang hakbang ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon sa 2024 at 2025 national budgets.
Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Committee on Accounts, mananatiling maayos ang operasyon ng Senado kahit mabawasan ang pondo dahil maaari nitong gamitin ang mga natitirang pondo mula sa mga nakaraang taon.
Aniya, mula sa P7.7 bilyong panukalang badyet ng Senado sa 2027 NEP, target nilang bawasan ito ng P2 bilyon upang magsilbing huwaran sa mas maingat na paggastos ng pondo ng gobyerno.
Samantala, nagbabala si Lacson laban sa panukalang bawiin ng Kamara ang bersiyon nito ng 2027 budget dahil maaari itong humantong sa reenacted budget. Aniya, mas makabubuting busisiin na lamang ng Senado ang panukala at alisin ang mga hindi kinakailangang paggasta bago ito talakayin sa bicameral conference committee.
- Latest





















