PDEA: Ex-solon ’utak’ sa P3.5 bilyong Laos drug shipment
Kilalang kaalyado raw ng mga Duterte
MANILA, Philippines — Itinuro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dating mambabatas ng Bangsamoro na si Edriezan Hadji Nasser Rimbang, alyas “Sultan” at matagal nang kaalyado ng pamilya Duterte, bilang isa umano sa mga utak sa tangkang pagpupuslit ng P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga mula Laos patungong Pilipinas.
Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na batay sa mga nakalap na salaysay ng PNP-CIDG, hindi lamang umano financier si Rimbang kundi isa rin sa mga pangunahing personalidad sa likod ng operasyon.
“Not as a mere financier, but among the key players, the mastermind,” saad ni Nerez
Kinumpirma ito ni Nerez matapos tanungin ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima kung si Rimbang na ang pangunahing person of interest sa kaso.
Ayon kay Nerez, mayroon nang matibay na ebidensya na nag-uugnay kina Rimbang at Abdulkarim Macalatas, na umano’y tatanggap ng kargamento sa Maynila, sa nasabing drug shipment.
Gayunman, hinihintay pa ng mga awtoridad ang mga dokumento kaugnay ng mga transaksyon na may kinalaman kay Police Master Sgt. Aileen Jayne Manalo Mendoza, dating piloto na si Rioklyn Pizarras Toledo, at isang Malaysian company na umano’y nagbigay ng chartered aircraft na pinagsakyan sa naturang bilyong drug shipment.
Kabilang din sa kailangang makuha ang mga rekord mula sa Laos, mga target para sa cyber warrants, at iba pang dokumentong maaaring gamiting ebidensya bago makapagsampa ng kaso laban sa mga taong sangkot sa operasyon.
Sinabi ni Nerez na nakikipag-ugnayan na ang PDEA sa Department of Justice upang mapadali ang pagkuha ng mga kinakailangang rekord.
Matatandaan na si Rimbang ay itinalaga sa Bangsamoro Transition Authority Parliament ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019.
Kumandidato rin ito sa ilalim ng PDP-Laban, ang partido pulitikal ng pamilya Duterte at maging noong 2026 Bangsamoro Parliamentary elections pero natalo.
- Latest















