Malakanyang iaapela sa SC unprogrammed funds ruling
MANILA, Philippines — Umapela ang Malakanyang sa Korte Suprema (SC) na muling suriin ang desisyon nito na nagdeklarang unconstitutional ang ilang probisyon kaugnay ng unprogrammed appropriations sa 2024 at 2025 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, maghahain ng motion for reconsideration ang Office of the Solicitor General (OSG) dahil hindi ito sumasang-ayon sa ilang bahagi ng desisyon ng Korte Suprema.
“Malinaw ang pasya ng Korte Suprema na ang unprogrammed appropriations ay hindi likas na labag sa Konstitusyon. Hindi ito idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema. Samakatuwid, nananatili itong lehitimong mekanismo ng pagpopondo ng pamahalaan. Anumang paggamit nito ay dapat naaayon sa Konstitusyon, sumusunod sa mga itinatakdang kondisyon ng batas at may mahigpit na pananagutan,” ayon kay Castro.
Ipinaliwanag niya na mula pa noong 2015 ay pinahihintulutan na ng Kongreso ang pagpapalabas ng pondo mula sa unprogrammed appropriations kapag lumampas sa target ang koleksiyon mula sa kahit isa sa mga itinakdang non-tax revenue sources, alinsunod sa iba pang kondisyon na nakasaad sa batas.
Giit ni Castro, sinunod lamang ng administrasyong Marcos ang umiiral na patakarang ito na aniya ay naaayon sa Konstitusyon, kaya walang naganap na paglabag at walang pananagutan ang gobyerno.
Dahil dito, sinabi ni Castro na magalang na hinihiling ng Malakanyang sa Korte Suprema na muling repasuhin ang naging desisyon nito. Kaugnay nito, inatasan na ang OSG na maghain ng motion for reconsideration.
- Latest


















