‘Bakit pugad ng ilegal na negosyo ang Pampanga?’
Hindi sapat ang sunud-sunod na raid kung hindi natutukoy at naitatama ang mga puwang sa batas at regulasyong nagbibigay-daan sa ilegal na kalakalan sa Pampanga.
Noong October 12, dalawang Chinese national ang inaresto sa bayang ng San Simon matapos makumpiska ang tinatayang ?1.2 milyong halaga ng hindi rehistradong fabric softener. Hindi lamang ito usapin ng produktong walang kinakailangang awtorisasyon. Dapat ding usisain kung paano nakapagtayo ng pasilidad at nakapagsagawa ng komersiyal na operasyon ang mga sangkot bago sila nasita.
Hindi na bago ang mga ulat at alegasyon tungkol sa mga kuwestiyonableng operasyon sa Pampanga, mula sa POGO hanggang sa ilegal na paggawa ng sigarilyo, sub-standard na bakal at iba pang produktong pangkonsumo.
Gayunman, kailangang ihiwalay ang mga napatunayang kaso sa mga alegasyong hindi pa napagpapasyahan.
Ang mahalaga ay kung may sapat bang beripikasyon sa mga permit, regular na inspeksiyon at koordinasyon ang mga ahensiyang nangangasiwa sa mga negosyo?
Taglay ng Pampanga ang mga industriyal na lugar, bodega, manggagawa at koneksiyon sa transportasyon na nakaaakit sa lehitimong pamumuhunan. Ngunit maaari ring samantalahin ang mga ito ng mga operator na umiiwas sa regulasyon.
Dapat alamin kung may mga reklamong binalewala, inspeksiyong hindi naisagawa o lokal na kasosyong posibleng sangkot. Ebidensiya, hindi haka-haka, ang dapat maging batayan ng imbestigasyon.
Hindi rin dapat matapos ang kaso sa pag-aresto sa mga tauhang nasa mismong pasilidad. Kung may sapat na batayan, kailangang sundan ang pinagmulan ng kapital, suplay, distribusyon at posibleng pakikipagsabwatan upang matukoy ang mga nasa likod ng operasyon.
Nanganganib ang publiko sa mga produktong hindi dumaan sa kinakailangang pagsusuri, habang dehado ang mga negosyong sumusunod sa batas.
Hindi krimen ang pagiging dayuhan, at hindi lahat ng negosyong pag-aari ng Chinese ay kahina-hinala. Ngunit walang lokal o dayuhang negosyante ang dapat maging eksepsiyon sa batas.
Ang tunay na sukatan ng pamahalaan ay hindi dami ng raid, kundi kung napapanagot ang mga responsable, naitatama ang mga kahinaan sa regulasyon at napipigilan ang pag-ulit ng ilegal na kalakalan.
Ang Pampanga ay dapat maging sentro ng lehitimong pag-unlad, hindi kanlungan ng mga negosyong umaasa sa kawalan ng pananagutan.
—
Para sa komento: [email protected]
- Latest


















