‘Maleta’ idineliber kina Sotto, Quimbo, Trillanes
Bagman ni Co kumanta sa Sandiganbayan
MANILA, Philippines — Ibinunyag ng umano’y bagman ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa Sandiganbayan Third Division na nakapaghatid umano siya ng mga maletang puno ng pera kina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dating Marikina Rep. Stella Quimbo at dating Sen. Antonio Trillanes IV.
Ginawa ni Rodante Orbillo ang pahayag sa ikatlong araw ng pagdinig sa petisyon para sa piyansa ni dating Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez kaugnay ng kasong graft na may kinalaman umano sa kickback sa mga proyekto ng pamahalaan.
Si Orbillo, isa sa mga dating bodyguard ni Co na kabilang sa tinaguriang “Maleta Boys,” ay tumestigo matapos tanungin ni Associate Justice Ronald Moreno kung may iba pa siyang napagdalhan ng mga maleta bukod kay Romualdez.
Sa una ay tumanggi si Orbillo na pangalanan ang mga umano’y tumanggap ng mga maleta, ngunit kalaunan ay binanggit ang mga pangalan nina Sotto, Quimbo at Trillanes.
Ayon kay Justice Moreno, mahalagang masagot ang tanong upang masuri ang kredibilidad ng testigo, lalo na’t may mga naunang saksi sa mga kasong may kaugnayan sa flood control na nagbanggit din ng iba pang personalidad habang nasa witness stand.
Nagsimula ang pagdinig sa bail petition ni Romualdez noong unang bahagi ng buwan at nakatakdang magpatuloy hanggang Nobyembre 12, 2026, habang nagpapatuloy ang paghaharap ng mga testigo ng prosekusyon.
Itinanggi naman ni Trillanes ang akusasyon. Wala pa namang inilalabas na pahayag sina Sotto at Quimbo hinggil sa paratang.
- Latest




















