^

Bansa

Teodoro: China ‘troublemaker’ sa West Philippine Sea

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Mariing ibinasura ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang paratang ng China na ang Pilipinas ang nagpapalala ng tensiyon sa West Philippine Sea (WPS), at iginiit na Beijing ang tunay na pinagmumulan ng kaguluhan sa rehiyon.

Ang pahayag ni Teodoro ay tugon sa akusasyon ng Chinese Embassy na siya umano ang isang “troublemaker” sa relasyong Pilipinas-China dahil sa anila’y paulit-ulit na pagbibintang laban sa Beijing na lalo umanong nagpapataas ng tensiyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Bilang tugon, sinabi ni Teodoro na ang ginagawa lamang ng Pilipinas ay ipagtanggol ang mga karapatan nito sa WPS sa harap ng patuloy na pangha-harass at panggigipit ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo.

“Ang tunay na troublemaker dito ay ang China,” diin ni Teodoro.

Kasabay nito, pinabulaanan din ng kalihim ang pahiwatig na ang Pilipinas ay may kampanyang laban sa mga mamamayang Chinese sa bansa.

Aniya, walang pagbabawal sa mga ordinaryong Chinese na nais magnegosyo at mamuhay nang maayos sa Pilipinas.

Nauna rito, inakusahan ng Chinese Embassy ang pamahalaan ng Pilipinas na umano’y nagsagawa ng mga hakbang laban sa ilang­ establisimyento at mamamayang Chinese, kabilang ang pagsalakay sa isang steel plant sa Misamis Oriental, pagpapatapon sa ilang mang­gagawang Chinese, at pag-uusisa sa mga Chinese school at guro na pinaghihinalaang nakikialam sa pulitika ng bansa.

Ayon naman kay Teodoro, dapat kilalanin ng China ang sakripisyo ng mga Pilipinong sundalo at coast guard personnel na nagbabantay at nagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Binanggit din ng kalihim ang matagal nang pagsusulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ng Code of Conduct sa South China Sea. Aniya, ang patuloy na agresibong kilos ng Beijing ang isa sa mga pangunahing dahilan ng umiiral na tensiyon sa rehiyon, bagay na matagal nang ikinababahala ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

GILBERTO TEODORO JR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with