Sandro, kumalas sa PFP; lumipat sa Lakas-CMD

MANILA, Philippines — Opisyal nang kumalas si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP), ang partidong kinabibilangan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sumapi sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Ayon sa mga mapagkakatiwalaang source sa Kamara, nanumpa na si Sandro bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD sa isang seremonya na isinagawa noong Lunes. Ang partido ay pinamunuan noon ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi pa naglalabas ng opisyal na pahayag si Sandro ukol sa dahilan ng kanyang paglipat ng partido.
Ayon pa sa mga source, inaasahang lalo pang lalakas ang Lakas-CMD sa Kamara sa pagpasok ni Sandro sa kanilang hanay. Sa kasalukuyan, ito ang isa sa pinakamalalaking political party sa Kamara na may humigit-kumulang 70 miyembrong mambabatas.
Samantala, may ilan ding mambabatas na dating miyembro ng Lakas-CMD ang lumipat sa ibang partido. Kabilang dito si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, na umano’y sumapi sa National Unity Party (NUP) na pinamumunuan ni Deputy Speaker Ronaldo Puno ng Antipolo City’s 1st District.
- Latest




















