Lalaking may cancer pinagaling ni Padre Pio (Part 4)
AYON kay Anthony Fuina, ipinatong ng lalaki ang kamay sa bahagi na inopera at saka nagdasal. Ibang lengguwahe umano ang dinasal ng lalaki.
Habang nakapatong ang kamay ng lalaki, kakaiba raw ang naramdaman ni Anthony. Parang may kababalaghang nangyayari. Naramdaman niya ang pagtindig ng kanyang balahibo kasabay ang panginginig ng laman.
Hanggang sa sambitin daw niya, “Panginoong Diyos, hindi ako makapaniwala. Hindi ako makapaniwala.”
Sa kabila niyon, patuloy daw sa pagdarasal ang lalaki.
Nang makatapos sa pagdarasal, tinanong daw siya ng lalaki.
“Ano ang hindi mo mapaniwalaan?”
Sinabi ni Anthony na naninindig ang kanyang mga balahibo pati na ang buhok sa kanyang ulo. May kakaibang kuryente na dumadaloy mula sa kamay ng lalaki nang ipatong sa bahaging inopera. Ang kuryente ay parang pako na bumabaon sa katawan sa pamamagitan ng kanyang palad.
“Magaling ka na! Pumasok ang Banal na Espiritu sa iyo,” sabi ng lalaki.
Hindi agad nakapagsalita si Anthony. Nararamdaman pa niya ang tila kuryente na pumasok sa kanyang katawan.
Matagal bago siya nakapagsalita.
Tinanong niya ang lalaki.
“Sino ka? Sino ka?”
Sagot ng lalaki, siya raw ang alipin ng Diyos.
Hindi raw kumukurap si Anthony habang nakatitig sa lalaki. Manghang-mangha siya.
(Itutuloy)
- Latest















