Gutom mas lumala kaysa panahon ng pandemya - SWS

MANILA, Philippines — Tumaas sa 22.6 porsyento noong Setyembre ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakaranas ng di-boluntaryong gutom, na nalampasan pa ang panahon ng COVID-19 pandemic, batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Mas mataas ng 2.3 percentage points ang hunger rate kumpara sa 20.3 porsyento noong Hunyo. Lumampas din ito sa 20.2% pambansang average noong 2025 at sa dating pinakamataas na 21.1% noong 2020 sa panahon ng mga lockdown dulot ng pandemya.
Lumabas sa survey na 16.2% ng mga pamilya ang nakaranas ng “katamtamang gutom” o kawalan ng pagkain nang minsan o ilang beses sa nakalipas na tatlong buwan. Samantala, umakyat sa 6.4% ang nakaranas ng “malubhang gutom” o madalas at palaging pagkagutom, mula sa 4.5% noong Hunyo.
Pinakamarami ang nagtala ng kaso ng gutom sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon. Sa MM, sumirit sa 27% ang hunger rate mula sa 6% noong Hunyo, dahilan upang ito ang maging pinakaapektadong rehiyon sa bansa.
Sa Luzon, tumaas din ang gutom sa 23.6%. Bumaba naman ito sa 16% sa Central Visayas, habang halos walang pagbabago sa Southern Mindanao na nanatili sa 23.7 porsyento.
Isinagawa ang face-to-face survey sa 1,500 adult Pilipino mula Setyembre 21-27.
- Latest


















