Prosecutor tututok sa P1.5 bilyon unexplained wealth
Kaya inatras 3 articles vs VP
MANILA, Philippines — Sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry L. Ridon nitong Miyerkules na ang umano’y hanggang P1.5 bilyong hindi maipaliwanag o hindi idineklarang yaman ni Vice President Sara Z. Duterte ang nagtulak sa prosecution panel na ituon ang kaso sa Article II ng impeachment complaint laban sa kanya.
Ipinaliwanag ni Ridon na nagpasya ang prosekusyon na alisin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment matapos suriin ang mga natuklasan ni financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera hinggil sa umano’y aktuwal na mga ari-arian at net worth ng bise presidente.
Ayon kay Ridon, sa testimonya ni Cabrera ay tinaya sa P817 milyon ang konserbatibong halaga ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
Gayunman, sinabi niyang umaabot sa humigit-kumulang P1.5 bilyon ang halaga nito kung gagamitin ang pinakamaluwag na pagtataya ng financial analyst.
“Dahil dito, nang pag-usapan ng mga prosecutor ang numerong ito, sinabi namin na dito tayo magtuon. Ito ang ebidensiyang kailangan upang mapatunayan ang Artikulo ng Impeachment tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman,” ani Ridon.
Dagdag niya, ang usapin ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ang magiging susi sa magiging resulta ng kaso. “Gaya ng lagi naming sinasabi, mananalo man o matatalo kami, nakabatay ito sa usapin ng hindi maipaliwanag na yaman. Kumbinsido kami na ito ang magiging batayan ng pagpapasya ng ating mga senator-judge sa huli,” aniya.
Samantala, iginiit ni Manila City Rep. Joel Chua, miyembro ng House prosecution panel, na hindi dapat kuwestiyunin ang sinseridad ng prosekusyon sa pagpapanagot sa bise presidente sa mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint. Aniya, sa isang impeachment trial, sapat nang mapatunayan ang isang artikulo upang mahatulan ang respondent.
Hindi rin umano nais ng prosecution na umabot pa hanggang Valentine’s Day o higit pa ang trial ni VP Sara kaya napagdesisyunan nilang bawiin ang tatlo sa apat na artikulo ng impeachment.
Aniya, dahil sa mga umano’y delaying tactics ng depensa ni Duterte, posibleng mas humaba pa ang impeachment proceedings kaysa sa inaasahan nilang target na matapos bago mag-Pasko.
- Latest



















