Fiberxers diretso sa quarterfinals

MANILA, Philippines — Humakot si guard Juan Gomez de Liano ng triple-double na 32 points, 12 rebounds at 13 assists para pamunuan ang Converge sa 152-119 pagmasaker sa Titan Ultra sa Season 50 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kumamada si balik-import Cam Clark ng 30 points at kumolekta si Justine Baltazar ng 20 points at 11 rebounds.
Ito ang ikatlong sunod na arangkada ng FiberXers para sosyohan ang TNT Tropang 5G sa No. 3 spot sa Group A bitbit ang parehong 6-4 record papasok sa eight-team quarterfinal round.
Makakasama ng Converge at TNT sa quarterfinals ang NLEX (8-2) at San Miguel (7-3).
Talsik ang Giant Risers, nakahugot kay import Torrel Brown ng 31 markers, mula sa kanilang 2-8 baraha kasama ang three-game losing slump.
Sibak na din sa grupo ang Terrafirma Dyip (4-6) at guest team Macau Giant Pandas (2-8)
Maagang umatake ang Converge sa pagtatala ng 31-16 abante sa 4:04 minuto ng first period.
Lalo pa nilang ibinaon ang Titan Ultra sa 44-22 sa 9:08 minuto ng second quarter.
Sa pamumuno ni Joshua Munzon ay nakadikit ang Giant Risers sa 56-57 bago isara ng FiberXers ang first half sa 71-60.
Itinayo ng Converge ang ang isang 20-point lead, 86-66, sa 7:26 minuto ng third quarter na napababa ng Titan Ultra sa pagsasara nito, 90-99.
Muling kumayod FiberXers sa final canto para iposte ang 130-105 bentahe sa huling 4:16 minuto.
- Latest

















