Bribery vs VP Sara isasampa sa Ombudsman, DOJ
MANILA, Philippines — Maaaring i-refer sa Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ang bribery case laban kay Vice President Sara Duterte kahit hindi na ito isasama sa impeachment trial.
Ito ang sinabi ni House lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky” Luistro nang tanungin tungkol sa pag-withdraw ng bribery charge na dapat sanang ihaharap ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores sa impeachment proceedings. Aniya, hindi nangangahulugan ang hakbang na ito na wala nang magiging aksyon ang mga awtoridad kaugnay ng hiwalay na legal na proseso.
“Kung kailangan, gagawin namin ang kinakailangang endorsement. Ibig kong sabihin, ang impeachment team, upang makapagsagawa ang Ombudsman o DOJ ng kaukulang preliminary investigation para sa posibleng kaso ng bribery laban sa respondent at mga opisyal ng DepEd,” sabi ni Luistro.
Sa bribery charge na unang isinama sa Articles of Impeachment, inaakusahan si Duterte na umano’y namahagi ng pera sa ilang opisyal ng DepEd kapalit ng pabor habang siya pa ang kalihim ng kagawaran.
Kabilang sa mga alegasyong binanggit ang pahayag ni dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado na nakatanggap umano siya ng siyam na sobre mula kay Duterte na naglalaman ng tig-P50,000.
- Latest





















