Saratoga Slack sinikwat korona sa A.P. Reyes Cup
MANILA, Philippines — Hindi binigo ng outstanding favorite na Saratoga Slack ang kanyang mga tagahanga matapos magtala ng impresibong panalo sa 2026 PHILRACOM A.P. Reyes Memorial Cup - 3-Year-Old Imported/Local Challenge Series I na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Mabilis na lumundag papalabas ng aparato ang Saratoga Slack upang hawakan ang bandera pero sinundan agad ito ng Top Player kaya naging mainit ang bakbakan sa unahan.
Pagdating ng kalagitnaan ng karera ay nasa unahan pa rin ang Saratoga Slack, lamang lang ng kalahating kabayo sa Top Player ang Malagu.
Papalapit ng far turn ay unti-unting lumalayo ang Saratoga Slack sa nangungulit na Top Player, nasa pangatlo pa rin ang Malagu habang malakas na rumeremate ang Windmill Of Summer.
Papasok ng huling kurbada ay nasa apat na kabayo na ang lamang ng Saratoga Slack dahil humaharurot na ang Windmill Of Summer.
Hindi naman nataranta ang hineteng si former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce dahil kalmado lang nitong ginabayan ang Saratoga Slack upang itala ang magaan na panalo.
Tinawid ng Saratoga Slack ang meta ng may walong kabayong agwat sa tiyempong 1:37.4.
Pumangalawang Windmill Of Summer, pangatlo ang Malagu habang pumang-apat ang Top Player.
- Latest





















