NCRPO pinaiigting seguridad para sa ASEAN Summit
MANILA, Philippines — Pinaigting ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang koordinasyon nito sa mga ahensiya ng pamahalaan at iba pang security partners bilang paghahanda sa 49th ASEAN Summit and Related Summits na gaganapin sa Nobyembre.
Dumalo si NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano sa inter-agency coordination meeting para sa Harmonized Actions and Interventions for the 49th ASEAN Summit nitong Huwebes, Oktubre 1, kung saan tinalakay ang mga hakbang para sa seguridad, traffic management, mobility, crowd control at iba pang logistical requirements.
Kabilang sa mga paghahanda ng NCRPO ang pagpapalakas ng police visibility, security coverage sa mga ruta, intelligence monitoring at contingency plans sa mga summit venue, hotel, paliparan, transport hubs at iba pang lugar na maaaring puntahan ng mga delegado.
Pinalalakas din ng NCRPO ang koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Tourism, Department of the Interior and Local Government, local government units at iba pang security agencies para matiyak ang maayos na galaw ng mga delegado at mabilis na pagtugon sa anumang security o public safety concern.
Ayon kay Abrahano, nakatuon ang paghahanda sa koordinasyon, kahandaan at mabilis na pagtugon upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdaraos ng ASEAN Summit habang pinapaliit ang abala sa mga residente at motorista sa Metro Manila.
- Latest















