Sen. Raffy sa prosekusyon: Pumapalpak na kayo!
MANILA, Philippines — Pinagsabihan ni Senador Raffy Tulfo ang mga miyembro prosekusyon na maging maingat sa pagpili ng mga testigong ihaharap sa impeachment trial Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Tulfo ang pahayag habang itinatanong kung ihaharap bilang testigo ng prosecution si dating senador Antonio Trillanes IV at kung maglalabas ang impeachment court ng subpoena upang obligahin siyang humarap.
Ayon sa senator-judge, mas mainam umanong tumestigo si Trillanes sa harap ng mga kinatawan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), lalo na kung maghahain ang dating senador ng impormasyon tungkol sa mga bank account at transaksiyong nakuha niya mula sa kanyang mga source.
Sinabi ni Tulfo na ilan sa mga testigo ng prosekusyon ay hindi naman kinakailangan sa mga paglilitis.
“Kasi kung minsan, ‘yung prosecution, sorry ah, pumapalpak-palpak kayo. There are times na naglalagay kayo ng mga witnesses dito na hindi naman kailangan talaga. Nagsasayang lang tayo ng oras,” wika ni Tulfo.
Napansin din niya na tila nawawalan ng interes ang ilang senador habang nagpapatuloy ang mga paglilitis at may ilan umanong nagtutungo sa comfort room dahil hindi produktibo ang ilang bahagi ng proceedings.
Bagaman at walang tinukoy na pangalan, sinabi ni Tulfo na mayroon pang kinuha ang prosekusyon na nagpapa-cute lamang.
- Latest























