2 ari-arian ni VP Sara, Mans wala sa SALN

MANILA, Philippines — Isa pang ari-arian na iniuugnay kina Vice President Sara Duterte at kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio ang iniharap sa Senate Impeachment Court matapos ilabas ang mga opisyal na rekord mula sa Registry of Deeds ng Island Garden City of Samal, Davao del Norte.
Batay sa offer of testimony ng prosekusyon para kay Acting Register of Deeds Atty. Marco Pineda, nakarehistro sa pangalan ni Carpio ang isang ari-ariang sakop ng TCT No. 142-2019013134. Ayon sa deed of sale, binili ito noong 2018 sa halagang P3,453,849 at hanggang ngayon ay nakapangalan pa rin kay Carpio.
Ito na ang ikalawang ari-ariang inilantad ng prosekusyon nitong Huwebes. Nauna nang tinalakay ang isang property sa Matina, Davao City na may halagang P6 milyon. Dahil dito, umaabot na sa halos P9.45 milyon ang kabuuang halaga ng dalawang ari-ariang nasuri sa pagdinig.
Ayon kay House prosecution adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, lumalawak ang mga tanong hinggil sa pagiging kumpleto ng mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
“Una, P6 milyon sa Matina. Ngayon, P3.45 milyon sa Samal. Dalawang property. Dalawang opisyal na rekord ng gobyerno. Ang tanong: kung kinakailangang ideklara ang mga ito, nasaan ang mga ito sa sinumpaang SALN?” ani Barbers.
Binigyang-diin niya na hindi lamang tungkol sa halaga ng mga ari-arian ang usapin kundi ang obligasyong magdeklara ng mga asset sa ilalim ng panunumpa. Aniya, kung saklaw ng disclosure requirements ang nasabing mga ari-arian, dapat na malinaw itong makita sa SALN.
Sinabi pa ni Barbers na mahalagang suriin ng Senado ang mga rekord ng ari-arian at ihambing ang mga ito sa mga kaugnay na SALN upang malaman kung tama at kumpleto ang mga deklarasyon.
- Latest






















