Hiling ng kampo ni Digong na dagdag ‘expert verification’ tinanggihan ng ICC
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Trial Chamber III ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magdagdag ng “expert verification” o pagsusuri sa mga ebidensya.
Ito ay dahil maaari itong magdulot ng hindi kinakailangang pagkaantala sa pagsisimula ng paglilitis sa dating Pangulo.
Sa pitong pahinang desisyon na inilathala nitong Setyembre 28, sinabi ng Chamber na ang hinihiling na pagbabago ng depensa ay hindi lang isang simpleng pagdaragdag ng isang metadata field.
Sa halip layunin umano nitong gawing kinakailangan na palaging may kasamang mga ulat ng ekspertong pagsususri ng mga open source at user generated na ebidensya na isinusumite sa Chamber sa kasalukuyang kaso.
Noong Agosto, humiling ang depensa ng pagbabago sa E-Court Protocol at hiniling sa Chamber na ipag-utos ang pagdaragdag sa NUIX ng isang “expert verification” metadata field.
Layunin umano nito na matukoy kung ang mga open-source at user-generated na ebidensiya ay sasamahan o hindi ng isang ulat ng eksperto bago ito maisumite sa Chamber.
- Latest





















