Eala sisimulan na misyon sa Asiad vs Thai netter

MANILA, Philippines — Sisimulan ni Alex Eala ang kampanya nito sa pagsagupa kay Patcharin Cheapchandej ng Thailand sa second round ng 2026 Asian Games women’s singles sa Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center sa Nagoya, Japan.
Makakaharap ni Eala ang world No. 510 na si Cheapchandej ngayong araw base sa ilalabas na order of play ng mga organizers.
Nakapasok sa second round si Cheapchandej matapos pataubin si Mahin Aftab Qureshi ng Pakistan sa bendisyon ng 6-1, 6-1 panalo sa kanyang opening round match.
Dumating naman na sa Nagoya si Eala noong Sabado ng gabi matapos maudlot ng ilang beses ang kanyang flight.
Kaya naman agad itong sumalang sa ensayo kahapon upang masigurong nasa perpektong kundisyon ito.
Galing si Eala sa kampanya sa Singapore Open sa The Kallang, Singapore.
Excited na si Eala na maglaro sa Asian Games upang tulungan ang kampanya ng Team Philippines.
Maagang nasibak si Eala sa Singapore Open matapos yumuko kay world No. 180 Tatiana Prozorova ng Russia sa iskor na 6-4, 5-7, 3-6.
Kaya naman nagkaroon pa ng pahinga si Eala bago tumulak sa Nagoya.
Kung mananalo si Eala kay Cheapchandej, makakalaban nito sa quarterfinals ang magwawagi sa pagitan nina Mandegar Farzami ng Iran at Joanna Garland ng Chinese-Taipei.
Maliban sa singles, sasabak din si Eala sa doubles kasama si Shaira Rivera.
Uumpisahan nina Eala at Rivera ang kampanya nito sa doubles laban kina Lai Ching Laam at Liu Kallista ng Hong Kong sa first round.
Hindi naman pinalad si Tennielle Madis sa kanyang unang pagsalang sa Asian Games matapos matalo kay No. 7 seed Himeno Sakatsume ng Japan sa opening round, 1-6, 0-6, kahapon.
- Latest




















