Petecio, Paalam sisiguro ng bronze sa Asian Games

MANILA, Philippines — Pakay nina veteran boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam na masungkit ang kani-kanyang silya sa semifinals sa pagpapatuloy ng 20th Asian Games boxing competitions ngayong araw sa Nishio Gymnasium sa Nagoya, Japan.
Kung papasok sina Petecio at Paalam sa semis, makasisiguro na sila ng tansong medalya para sa Team Philippines.
Ngunit hindi magiging madali ang lahat para sa dalawang Pinoy bets.
Makakaharap ng Tokyo Olympics silver medalist at Paris Olympics bronze medalist na si Petecio sa quarterfinals si Yang Chengyu ng China sa women’s 60kg division.
Nakatakda ang bakbakan nina Petecio at Yang sa alas-4:30 ng hapon.
Nakapasok si Petecio sa quarterfinals matapos itarak ang impresibong referee-stopped-contest sa kanyang opening match noong Sabado laban kay Mays Alreem Abukhadijah ng Jordan.
Ilang edisyon na ng Asian Games nakakawala sa kamay ni Petecio ang podium.
Kaya naman desidido si Petecio na ibuhos ang lahat ng kanyang lakas upang masiguro ang podium finish.
Sa kabilang banda, handa rin si Tokyo Olympics silver medalist Paalam na gawin ang lahat para makapasok sa semis ng men’s 55kg class.
Mapapalaban din si Paalam dahil makakaharap nito si Zhang Jiamao ng China.
Lalarga ang salpukan nina Paalam at Zhang sa alas-5:15 ng hapon.
Nakahirit ng silya sa quarterfinals si Paalam nang gapiin nito si Jadumani Singh Mandengbam ng India sa Round of 16 via majority decision.
“Gagawin ko yung best ko. Lahat naman kami ensayado dito. Sana manalo po,” ani Paalam.
Nanawagan naman si Paalam na patuloy na suportahan ang mga Pinoy athletes na lumalaban sa Asian Games.
“Tayong mga Pilipino sana suportahan n’yo po kami wag n’yo po kami i-bash. Sobrang hirap ng laban dito po. Pagdala pa lang ng pangalan namin dito, dala namin ang Pilipinas. Para sa bayan po ang inilalaban namin dito,” ani Paalam.
- Latest


















