Lacson kay Dizon: Kailan pa napunta sa Leyte ang Taguig?

MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, matapos lumabas sa mismong ulat ng ahensiya ang detalyeng sumasalungat sa pahayag nitong walang ghost projects sa Taguig.
Sa mga post sa kanyang X account nitong Linggo, binanggit ni Lacson ang tungkol sa isang proyekto sa Taguig kung saan ang mga geotagged na litrato na kalakip ng billing reports ay may coordinates na “located approximately 600 kilometers away in LEYTE PROVINCE,” habang ang contractor nito ay isang kumpanyang pagmamay-ari ng pamilyang Discaya.
“Sec. Vince Dizon, please explain how this finding of your own team should not be flagged as a ghost project in Taguig. (Since when has Taguig been located in Leyte?)” ani Lacson.
Binigyang diin ni Lacson ang koneksyon ng proyekto sa St. Timothy Construction, isang kumpanyang pag-aari ng mga Discaya na naiugnay sa mga kontrobersyal na flood control projects.
“To further highlight the red flag, Discaya’s St Timothy ang contractor. What do you say about this, Sec?” ani Lacson.
Napansin ni Lacson na ayon din sa DPWH inspection report, ang mga coordinates na nakasaad sa geotagged photographs na kalakip ng Progress Billing at Final Billing ay hindi tumutugma sa aktwal na lugar ng proyekto na bineripika ng isinagawang inspeksyon.
- Latest
















