BOC: Gobyerno, malulugi ng higit P700 milyon /buwan

Sa LPG excise tax suspension
MANILA, Philippines — Tinatayang aabot sa higit sa P700 milyon kada buwan ang koleksiyong mawawala sa pamahalaan matapos na ipag-utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang suspensiyon ng excise taxes sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosina.
“Buwan-buwan po, malaki rin po ang mawawala. Mahigit P700 million ang buwan-buwan ang maari pong mawala,” ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, nang mahingian ng reaksiyon sa isyu, sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.
Gayunman, sinabi ni Nepomuceno na nauunawaan nilang kailangan itong gawin dahil may krisis at kailangan ng mga mamamayan ng alalay mula sa pamahalaan.
“Subalit nauunawaan naman natin, iba ang panahon ngayon, siyempre may krisis. Kailangan din alalayan ‘yung mga kababayan nating nahihirapan,” aniya pa.
Aniya, noong suspindihin aniya ang excise tax sa LPG at kerosina noong Abril hanggang Hulyo, 2026 ay nasa halos P3 bilyong koleksiyon ang nalugi sa pamahalaan.
Nauna rito, inisyu ni Pang. Marcos ang Executive Order No. 125 noong Biyernes na nagsususpinde sa excise tax sa LPG at kerosina.
Sa gitna na rin ito ng patuloy na pagtaas ng crude oil sa pandaigdigang merkado.
Tiniyak naman ni Nepomuceno na upang mabawi ang inaasahang lugi ay palalakasin nila ang kanilang assessment sa mga imported items.
- Latest


















