Solon itinanggi lagda sa road project
MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas na lumagda siya sa anumang dokumento o nakibahagi sa mga transaksiyong may kaugnayan sa Mahayhay-Tuburan Road project sa Del Carmen, Surigao del Norte.
Sa kanyang counter-affidavit sa Office of the Ombudsman, iginiit ni Matugas na mahalagang suriin ang timeline ng proyekto. Natapos ang kanyang termino bilang gobernador noong Hunyo 30, 2022 at wala siyang hinawakang posisyon sa pamahalaan hanggang sa kanyang panunungkulan bilang kongresista noong Hulyo 1, 2025. Samantala, isinagawa ang mga pagbabayad sa contractor na Boometrix Development Corporation mula Pebrero 23, 2022 hanggang Marso 24, 2024.
Ayon kay Matugas, hindi siya lumahok sa paghahanda, pagsusuri o pag-apruba ng project documents, disbursement vouchers, inspection reports at certifications na kinukuwestiyon sa reklamo.
Itinanggi rin niya ang alegasyong may pinansyal siyang interes sa Boometrix dahil sa Real Estate Mortgage na nilagdaan nila ng kanyang asawa noong Mayo 1, 2025. Aniya, nagsilbi lamang silang third-party mortgagors at isinangla ang kanilang ari-arian bilang security sa loan ng Boometrix sa isang financing company. Iginiit niyang hindi siya stockholder o opisyal ng kumpanya at wala siyang tinanggap na bahagi sa kita nito.
Hiniling ni Matugas na ibasura ang mga alegasyon laban sa kanya, dahil aniya’y walang sapat na ebidensiyang nag-uugnay sa kanya sa mga kinukuwestiyong transaksiyon.
- Latest




















