Babae todas sa bumagsak na puno ng balete

MANILA, Philippines — Isang 23-anyos na babae ang namatay habang dalawa pa ang nasugatan matapos bumagsak ang puno ng balete na kanilang sinilungan sa kasagsagan ng malakas na pag-ulan sa Quezon City, nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ng pulisya, alas-2 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa Matino St., Brgy.Pinyahan sa lungsod kasabay ng paglakas ng ulan kung saan sumilong umano ang mga biktima sa nasabing puno pero bigla itong bumigay.
Naipit ang tatlong biktima na agad isinugod sa East Avenue Medical Center subalit idineklara nang dead-on-arrival ang babae.
Agad nagsagawa ng clearing operation ng Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office sa lugar at naialis na rin ang ilan sa mga kotse at tricycle na nabagsakan ng puno.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa nangyaring aksidente.
- Latest





















