Gobyerno kumikilos na vs El Niño
MANILA, Philippines — Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na buhayin ang Task Force El Niño bilang paghahanda sa posibleng matinding tagtuyot at epekto nito sa agrikultura.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nais ng Pangulo na maging maagap ang pamahalaan upang mabawasan ang pinsalang maaaring idulot ng El Niño. Nakipagpulong na rin umano si Marcos sa National Irrigation Administration (NIA) upang talakayin ang mga hakbang sa irigasyon at paghahanda laban sa inaasahang Super El Niño.
Hinihikayat din ng pamahalaan ang mga magsasaka na magtanim ng mga pananim na angkop sa panahon, kabilang ang mga matibay sa tagtuyot, at gumamit ng tamang binhi at materyales sa pagtatanim. Patuloy rin ang pagpapalawak ng mga lupang may irigasyon upang mapataas ang produksyon at mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka na harapin ang epekto ng climate change.
Batay sa National Action Plan for El Niño, kabilang sa mga prayoridad na sektor ang tubig, pagkain, kuryente, kalusugan, at kaligtasan ng publiko.
- Latest























