Van nahulog sa bangin: Driver patay, 3 pa sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang 62-anyos na driver habang sugatan naman ang tatlo nitong pasahero makaraang aksidenteng mahulog sa bangin ang sinasakyan ng mga itong van sa kahabaan ng highway ng Brgy. Abiang, Atok, Benguet nitong Miyerkules.
Sa ulat ng Benguet Provincial Police Office (PPO), nangyari ang insidente bandang ala-11:10 ng umaga sa kahabaan ng KM 38, Brgy. Abiang ng bayang ito.
Ayon sa imbestigasyon ang kulay puting van na patungo sa La Trinidad, ang kapitolyo ng Benguet nang malubak ang behikulo at mapunta sa tabi ng matarik na highway.
Namiskalkula ng driver ang pakurbadang daan bunsod upang mabangga nito ang bakal na barandilya sa kanang bahagi ng highway bago ito bumulusok sa tinatayang nasa 10 metrong bangin sa gilid ng highway.
Sumaklolo naman ang rescue team na mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga biktima, pero idineklara ng dead-on-arrival ang lolong driver ng van.
Kabilang naman sa mga nasugatan ay isang 40-anyos na negosyanteng babae, isang 22-anyos na lalaki, at isang menor-de-edad; pawang nilalapatan na ng lunas sa Atok District Hospital.
- Latest




















