May limitasyon ba ang interes na maaaring isulat sa kontrata?
Dear Attorney,
Magpapautang po sana ako sa isang kakilala at gagawa kami ng kasulatan. May limitasyon po ba ang interes na maaari naming isulat sa kontrata? Ayaw ko pong magkaproblema sa bandang huli. – Top
Dear Top,
Ang dating Usury Law, na dating nagtatakda ng strict na ceiling o limitasyon sa interes na maaring ipataw sa mga utang, ay tinanggal na noong 1982 sa pamamagitan ng Central Bank Circular No. 905, kaya wala ngayong nakatakda sa batas kung ano ang pinakamataas na interes na maaaring nakasaad sa isang kontrata. Ngunit hindi naman nangangahulugan na wala ng limitasyon sa pagpapataw ng interes. Base sa mga kasong dinesisyunan ng Korte Suprema, ang tunay na limitasyon ngayon ay hindi isang numero kundi isang pamantayan, at ito ay kung makatuwiran ba o hindi ang inyong napagkasunduang interes.
Mahalagang panatilihing makatuwiran ang interest rate dahil may kapangyarihan ang korte sa ilalim ng Article 1229 ng Civil Code na bawasan ang labis at hindi makatuwirang interes o multa. Sa kasong Medel v. Court of Appeals, (G.R. No. 131622, 27 November 1998), binawasan ng Korte Suprema ang interes na 5.5 porsyento bawat buwan dahil itinuring itong unconscionable o hindi na makatuwiran. Sa mas bagong kasong Spouses Abella v. Spouses Abella (G.R. No. 195166, 8 July 2015), maging ang 2.5 porsyento bawat buwan o 30 porsyento bawat taon ay ipinawalang-bisa rin ng korte.
Ang maipapayo ko sa iyo ay itakda mo ang interest sa rate na maipagtatanggol mo na patas base sa iyong sitwasyon, kung sakaling pagmulan ito ng kaso sa korte. Kung nais mo ring maglagay ng parusa para sa hindi pagbabayad sa takdang oras, huwag mo itong isama sa interes at gawing hiwalay na probisyon, dahil ang penalty at ang interes ay dalawang magkaibang bagay at pareho rin itong maaaring bawasan ng korte kung magiging labis. Mabuti ring ipanotaryo ninyo ang kasulatan upang maging mas matibay ito bilang ebidensya. Kung malaki ang halagang ipapautang mo, pinakamainam na ipasuri mo muna ang kasulatan sa isang abogado bago kayo magpirmahan ng kausap mo.
- Latest


















