^

Bansa

Bagong UPLIFT Aid ilulunsad para sa magsasaka, transport sector

Pilipino Star Ngayon

Sa gitna ng oil price hike

MANILA, Philippines — Naghahanda ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglunsad ng panibagong fuel assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis, matapos umabot sa $100 kada bariles ang benchmark Brent oil noong Setyembre 9—unang beses mula Hulyo—dahil sa muling tensyon sa pagitan ng US at Iran.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, pangunahing makikinabang sa bagong ayuda ang mga magsasaka at mangingisda. “Sa ngayon inihahanda na natin ang fuel assistance under the UPLIFT program. Ito ay direktang mapapakinabangan ng ating mga magsasaka at mangingisda,” aniya sa panayam sa PTV4.

Ipinaliwanag ni De Mesa na malaking bahagi ng gastos ng mga magsasaka ay napupunta sa krudo para sa combine harvesters sa pag-ani ng palay, gayundin sa mga bangkang de-motor ng mga mangingisda. Dagdag pa niya, pinag-aaralan din ng gobyerno ang pagbabalik ng libreng toll para sa mga sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural mula Hilaga at Timog Luzon patungong Metro Manila. “Up to P150 milyon ang naibibigay na dagdag na libre para sa ating mga viajero,” aniya.

Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na patuloy ang DOTr sa paghahanap ng paraan upang maibsan ang epekto ng oil price hike sa sektor ng pampublikong transportasyon at mga pasahero. Kasalukuyang nagsasagawa ng konsultasyon ang LTFRB sa mga petisyon ng dagdag-pasahe.

“Pinipiga pa rin natin ang gobyerno kung anong pwede nating ibigay na subsidiya. Tulad ng fuel discount na mula P10 naging P12, limitado pa sa jeepney at UV Express. Iniisip namin kung paano ito palawakin pa,” ani Lopez. Dagdag pa niya, mataas na ang inflation na umabot sa 6.1% nitong Agosto, kaya’t ang dagdag-pasahe ay tiyak na makakadagdag sa presyo ng serbisyo at bilihin.

Humingi rin ng paumanhin si Lopez sa mga bus operators at drivers, sabay giit na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng inisyatibo upang matulungan sila at ang mga commuters.  Bukod dito, binanggit ni De Mesa na maingat na pinag-aaralan ng pamahalaan ang panukala ng pribadong hog industry association na itaas ang pork tariffs, dahil maaari itong magdulot ng pagtaas sa presyo ng baboy at mga processed meat gaya ng hotdog at luncheon meat. “Kailangang balansehin para hindi makaapekto sa inflation,” aniya.

UPLIFT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with