Comprehensive School Safety Framework, itinutulak sa gitna ng Cotabato shooting
MANILA, Philippines — Matapos ang sunud-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan, isinusulong ni Senate President Win Gatchalian ang pagpasa ng Comprehensive School Safety Act (Senate Bill No. 2426) na layong bumuo ng National Comprehensive School Safety Framework.
Ang pinakahuling pamamaril na naganap sa Banga National High School sa South Cotabato, ay muling nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas matibay na seguridad sa mga paaralan.
Pangungunahan ng Department of Education (DepEd), katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga local government unit (LGU), ang pagbuo, pagpapatupad, at regular na pag-update ng nasabing framework.
Magtatakda ito ng pamantayan para sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa mga banta at insidenteng may kinalaman sa kaligtasan sa paaralan.
Sa ilalim ng panukala, kailangang gumawa at mag-update taun-taon ang bawat paaralan ng School Safety Plan upang maiangkop ang framework sa lokal na sitwasyon.
Kailangan din maghanda ng School Safety Handbook na maglalaman ng mga polisiya, proseso, emergency information, at mga serbisyong suporta para sa mga mag-aaral.
Kasama rin ang School Code of Conduct na malinaw na magtatakda ng mga hindi katanggap-tanggap na gawain, kasama ang kaukulang disciplinary at restorative interventions.
“Hindi sapat ang reactive response. Kailangan nating maging proactive—kilalanin ang mga banta, pigilan ang insidente bago mangyari, at tiyaking ligtas ang bawat paaralan,” ani Gatchalian, co-author at co-sponsor ng panukala.
- Latest
























