1.2 toneladang karne nakumpiska, wawasakin
MANILA, Philippines — Aabot sa 1,217.66 kilo ng nakaimbak na karne ng baboy at manok ang nakumpiska ng National Meat Inspection Service (NMIS) sa Blumentritt Market, Manila, nitong Biyernes, Setyembre 18.
Ayon kay NMIS-Department of Agriculture Officer-in-Charge Executive Director Dr. Fernando Lontoc, kabilang sa nakumpiska ang 777.8 kilo ng manok at 439.86 kilo ng baboy. Sa hindi maayos ang pagkakatago ng mga karne, habang may mga lamang-loob pa ang ilang manok at hindi nasunod ang tamang temperatura sa pag-iimbak.
Sinabi ni Lontoc na hindi pumasa sa basic food safety standards ang mga produkto kaya maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan kapag nakonsumo. Kabilang din sa nasabat ang mga chicken galantine na umano’y hindi dumaan sa kumpletong inspeksiyon.
Natuklasan din ng mga operatiba ang iba pang paglabag, kabilang ang pag-iimbak ng karne sa loob ng comfort room na maaaring magdulot ng kontaminasyon. Dahil dito, ipinasya ng NMIS na sirain o wasakin sa isang pasilidad ang lahat ng nakumpiskang karne.
Binalaan ng NMIS ang mga may-ari ng karne na unang paglabag pa lamang ito, ngunit maaari silang pagmultahin ng P100,000 hanggang P1 milyon o makulong ng anim hanggang 12 taon kapag naulit ang paglabag, alinsunod sa umiiral na batas. Hinikayat din ang mga nagtitinda na gumamit ng cold storage upang mapanatili ang kalidad at kaligtasan ng mga produktong karne.
- Latest






















